naala ko noong bata ako, hari ng tagu-taguan ang turing sa akin. ako kasi ang pinakamahusay sa aming magkakaibigan kapag naglalaro kami nito. kung di ako nagkakamali, madalang lamang akong nagiging taya. kundi lang talo sa pompyang, marahil di ko man mararanasan ang maghanap at lagi lamang ako'ng nagtatago.
naging kilala kaming magakakaibigan dahil sa larong ito. kadalasan, maraming mga bata ang dumadayo pa mula sa iba't-ibang phase at kalye ng aming subdibisyon para lamang hamunin kami. walang isang litrong coke o pera-perang pustahan. sa murang isip, na ngayon ko lamang napagtanto, batid na rin pala namin ang ibig sabihin ng kasikatan at karalangan ng mga panahong yun, social prestige ika nga nila.
sa mga larong ganito, hindi lamang iisang tao ang taya. isang buong grupo ang sama-samang naghahanap at isang pangkat rin naman ang nagtutulungang magtago. habang ang grupo ng mga taya ay buong tiyagang ginagalugad ang bawat lugar na pwedeng pagtaguan, ang kabila naman ay pilit na sinisiksik ang mga sarili sa kaliit-liitang espasyo na makikita nila. siyempre kapag ang kalaban ang taya, ako ang kadalasang pag-asa ng aming grupo upang hindi makita at makarating sa base ng kalaban. mula doon, nagkakaroon na naman kami ng pagkakataong magtago muli. laos ang kalaban.
kalimitan, inaabot na kami ng gabi sa kalalaro. madalas pa nga ay sumusuko na lamang ang mga humahamong grupo at umuuwi. may mga pagkakataon pa'ng hindi man lamang sila nakapaghanap at buong oras na taya.
isang araw bago nalaos ang tagu-taguan ng taong iyon at nauso naman ang teks, isang grupo ang nakipaglaro sa amin mula sa kasunod na phase. kilalang mayayabang ang mga magkakaibigang ito. siyempre pinaunlakan namin. sa sandaling yun, naramdaman ko ang pagkasabik ng bawat isa na lampusin ang mga hambog na grupong ito. yung tipo ng pakiramdam na napapanood mo lamang sa tv, tulad ng slam dunk at eyeshield21. sa sandaling yun, sinabi ko sa sariling dapat hindi ako mahanap ng mga taong ito.
kungsaan saan ako nagtatago nuong araw na iyon. sa mga lugar na hindi maiisip ninuman pagtaguan. umaakyat ako sa mga matataas na bakod ng aming mga kapitbahay, sa ilalim ng mga silong ng imburnal, sa tuktok ng mga puno ng aratilis hanggang sa mga sumusunod na subdibisyon. dahil dito nakabisado ko na rin ang mga pasikot-sikot ng aming subdibisyon tulad ng aking mga palad. sa likod ng clubhouse ng kabilang subdibisyon ang uling lugar na aking pinagtaguan. doon, matiyaga ko'ng hinintay ang mga taya o mga kaibigan ko. nanatili lamang ako sa ganung posisyon sa napakahabang panahon. hindi ko na nga matanadaan kung gaano ako katagal naghihintay doon sa ganong posisyon.
inaabot na ako ng gabi sa lugar na iyon. subalit walang bakas ng kahit sinuman na aking mga kalaro ang dumating. nagsiuwian na rin ang mga bata na naglalaro sa clubhouse ng subdibisyong aking pinagtataguan. sa sandaling yun, naisip ko na lamang na ako na lang mag-isa ang natira. tanging ang nakakabinging at walang patid na paghuni ng mga kuliglig ang kumukulit sa aking pandinig. biglaan ang pagbabago ng kanina'y matao at maingay na lugar hanggang sa isang malawak na parang na kahit ang pagkilos ng hangin ay hindi gumagalaw. napawi ang tingkad ng mga magagalak na liwanag at napalitan ng mga nagmamadamot na mainit na ilaw.
doon, sa kauna-unahang pagkakataon, nagpakilala sa aking ang pangungulila.
umuwi ako ng bahay mag-isa ng gabing yun. walang kasamang kahit isang kaibigan na pwedeng pagkwentuhan ng mga lugar na aking pinagtaguan. kung paano ko nagawang hindi makita ng isa sa mga taya ng muntik itong napadaan sa lugar na aking napagtaguan. at kung ano marahil ang itsura ng mga mayayaba at talunang mga bata.
nang marating ko ang aming kalye, wala ng mga batang nasa lansangan. maging ang mga kaibigan ko ay nagsiuwian na rin sa kani-kanilang bahay. naisip ko'ng marahil sumuko na ang mga kalaban ng hindi nila ako natagpuan. at siguro kinailangan na rin ng mga kaibigan ko'ng bumalik sa kanila ng hindi na nila ako nahintay.
tuluyan akong tumamlay sa aking pagkakatayo sa bungad ng aming kalye. pakiwari ko'y unti-unting nalulusaw ang galak na kanina ko pa tinatago at gustong sabihin sa aking mga kaibigan. sa sandaling yun, tuluyan ko ng inalis ang pagkasabik sa paglaro ng tagu-taguan. sinabi ko sa sarili na hindi na muli ako magtatago, dahil malungkot magtago.
kinabukasan, natutunan ko'ng maglaro ng teks. hindi man limang dangkal ang akin tulad ng mayamang bata sa kabilang kalye, naging masaya pa rin ako dahil nagkaroon ako ng maswerteng pamato na may larawan ni goten at trunks na nagfufusion teknik sa loob.
(today, i thought of writing a post in filipino)
4 comments:
Mapa english o tagalog, magaling ka talaga. Bawat line kakapanabik na ipagpatuloy hanggang sa huling tuldok.
May ipinahihiwatig ang sinasabi mong pagtago na tinutukoy mo.
There's a lesson on it.
Congrats, kay galing mo Jeff!
redlan, wow thanks redlan. naisnspire naman ako.
weeee, taguan king ka pala nung kabataan mo, ako naman hari ng "agawan-base"...dahil super bilis ko tumakbo, magaling rin ako umilag at memeke. hmmm, i miss those days, salamat sa pagpapaalala dahil dito sa post mo.
blogadikted: hehehe. agawan-base prince lang siguro ako. hehehe.
masarap maggunita ng mga ganitong bagay.
Post a Comment