hanggang isang araw, nagpasya kaming magkita. halos maulol ang mga daga sa pagtakbo sa loob ng dibdib ko dahil sa kaba. hindi naman talaga kasi ako basta-basta nakikipagkita sa hindi ko naman kilala. subalit kakaiba ang araw na iyon, animoy may nag-uudyok sa aking upang maniwala.
halos walang salita ang namagitan sa aming dalawa nang kami'y magkita. madalas ay magtatawanan lang sa tuwing mararamdaman ang kakatwang katahimikan. nag-usap ang aming mga ngiti at kahit doon lang ay katakatakang nagkaunawaan kami.
sa isang iglap, nakita na lamang namin ang isa't isa na nakaupo sa ibabaw ng buong maynila, ang bukod tanging lugar na hindi kami mapapansin ng lahat. tahimik na pinagmatiyagan ang ingay ng lungsod at ang pangako ng mga ilaw na kailanman ay hindi mawawala.
nang mapagod ang gabi sa pagtatago sa amin, napagpasiyahan na namin umuwi. nilakad ang madilim at walang katiyakang kalsada. subalit nadaig ang takot ng aming pananabik na lalong makilala ang isa't isa. muli, niyakap kami ng katahimikan subalit hindi man lamang nagtama ang aming mga katawan. mula sa malayo, hindi ko tiyak kung bulalakaw ang nakita kong bumagsak pero humiling pa rin ako na sana ay makasama ko pa siya ng matagal. naisip ko pa ngang ihatid siya sa kanyang uuwian kahit na tatlong jeep ang layo nuon mula sa amin. subalit wala akong lakas ng loob upang sabihin yun. ang hindi ko alam, nakita din pala niya ang bulalakaw.
nalagpasan kami ng oras nang dumaan ito malapit sa bahay nila. hindi namin kapwa namalayang wala na ang estranghero sa kanya-kanya naming harapan. unti-unting napalitan ng mga salita ang mga ngiti at nagkaroon din ng hubog ang katahimikan. hindi ko na mabilang ang mga lihim na sinangla ko sa kanya at hindi ko na din matandaan kung tinubos ko man ang mga ito, ang alam ko lang ay tuluyang nagkaroon ng halaga ang tiwala at ang kaba ko.
nagpaalam kami sa isa't isa na tanging ngiti lang ang pabaon. gusto ko sana siyang yakapin ng mahigpit hanggang bumaon ako at maitago sa kanyang dibdib. subalit naunahan ako ng hiya ng may dumating na magkasintahang na magkayap sa aming likuran. alam ko nasabi ko sa kanya yun subalit nagkaroon na lang ako ng lakas ng loob nung pauwi na ako.kinabukasan, pinatanggap na sa akin ng hindi ko naman matandaang panaginip ang katotohanang hanggang duon na lang ang lahat. subalit totoo nga atang hindi lahat ng panaginip ay nagkakatotoo at hindi lahat ng hindi nagkakatotoong panaginip ay masama. nagkita muli kami hanggang sa dumalas ito. nagkaroon muli ng tinta ang aking pangguhit. nagamit ko muli ang aking kaldero't pinggan. at unti-unting nawala ang bagot sa bawat lugar na aking pinupuntahan.
hindi nagtagal ay nagising na lang ako sa pagitan ng kanyang mga dibdib, na nagmistulang lumamon sa lahat ng takot at pangambang naipon ko mula ng huling nagsimatayan ang malaking bugso ng mga pulang paru-paro. subalit, bagamat masaya ako sa lahat ng pinakita at pinaramdam niya, hindi ko maiwasang mangamba dala na rin ng bilis ng mga pangyayari. hindi ko alam kung sapat na ba ang nararamdaman ko para sa kanya o sapat na ba ang nararamdaman niya para sa akin upang magtagal kami. minsan, kapwa namin tinanong yun sa isa't isa hanggang sa pinili naming hindi na lang din hanapin ang (mga) kasagutan. naniwala kaming hindi naman lahat ng bagay ay kailangang ipaliwanag at hindi lahat ng nararamdaman ay dapat sukatin. kungkayat nagpatuloy kami sa pagkulay sa mga magagaspang na pader ng lungsod.
hanggang isang araw matapos magpakabusog sa sa pinaksiw na tawanan at prinitong mga lambing, humiga siya sa tabi ko. tahimik, ni hindi ko namalayan na wala na pala ang ngiti sa kanyang mga mukha paglapat ng kanyang buong katawan sa aking harapan. naramdaman ko na lang ang pagbaybay ng mainit na luha sa aking tagiliran at narinig ang alingawngaw ng mga hikbi ng taong humihingi ng tawad.
kailanman ay hindi ko inaasahan ang pagdating nuon, na parang isang matulis na punyal na hinagis mula kungsaan at bumaon sa kaliitan ng aking kalingkingan. kung kelan kaya ko ng sabihin na mahal ko nga siya, saka naman nabagot ang naghihintay. nagpaalam siya sa likod ng mga dambuhalang luha. samantalang nalunod naman ako sa mga alaalang kapwa namin linikha. nagkatsunami bigla sa katipunan kahit malayo ito sa manila bay.
bagamat gusto ko siyang igapos sa aking yakap, ikulong sa aking mga salita at ikandado sa aking mga halik, hindi ko ginawa. sa sandaling yun, una kong nasabi sa sariling naging matapang ako para sa nararamdaman naming dalawa. hindi ko nagawang pigilan siya dahil kung tutuusin naramdaman ko na kahit papaano ay minahal niya ako, kahit na salat ang mga salita ko upang mailarawan o maipaliwanag emosyong iyon at kahit na malabo at hindi maintindihan ng iba.
lumipas ang mga araw, linggo at buwan na mas mabagal pa sa naghihingalong uod sa daan. balik sa dating buhay, kumbaga. balik sa nakasanayan matapos iluwa ng pagbabago (?). pinilit ang sariling hindi magbago.
hindi nagtagal, nakausap ko siyang muli. subalit batid kong mas kailangang maging maingat ako sa paghabi ng aking mga salita. hindi man bumalik ang imahe ng estranghero sa aming dalawa, nangamba pa rin akong baka mag-iba muli ang anyo ng aming katahimikan.
di naglaon, hindi ko namamalayan, binuksan muli niya ang sarili sa akin. iba man ang lagusang pinasok ko noon, masaya pa rin ako dahil nasilip ko ang nilalaman ng kanyang pagkatao. hindi ko napigilan ang pagguhit ng ngiti sa aking mukha. subalit huli na ng nalaman kong hindi din pala ito magtatagal.
ibang tao na ang nakatayo sa dulo ng lagusang iyon bagamat pamilyar ang itsura, alam kong hindi na ako yun. linahad niya ang takbo ng kanilang hinabing tela sa pagitan ng mga pag-aalinlangan at pagdududa. sinabi niya, mababaw, walang trabaho, pala-asa, salawahan at tinatake for granted siya ng taong nakatayo sa dulo. subalit magkaganun man ay pinilit pa rin niyang ipagpatuloy at patuluyin ito bagamat taliwas sa sinasabi ng mga kaibigan, dahil sa simpleng kadahilanang, nagmamahal siya. ang totoo niyan hindi ko na alam kung papaano natapos ang usapan iyon. basta ang alam ko, kahit papaano ay maayos naming winakasan at pinagpatuloy ang lahat ng namagitan at mamagitan sa amin.
naisip ko tuloy, malaki ang kinaibahan ko sa taong nasa dulo ng lagusan ngayon. tawagin niyo man akong mayabang pero mapagmamalaki at kaya kong sabihin na lubos na kabaliktaran ko ng katauhan ang taong iyon, full cart wheel pa nga, kung tutuusin. pero sa huli naisip ko, sa kabila ng lahat ng aking paniniwala, ang tunay na pinagkaiba naming dalawa ay ang katotohanang mas minahal siya.yun, ang araw na nalaman kong tunay ngang may kahulugan, paliwanag at sukatan ang sinumang nagmamahal.*ayan detachable po yan parang sticker, pwede niyong gamitin.
**feel free pong dito magcomment kung hindi makapagcomment sa post ni dabo. hahaha!
***paunawa: hindi din po si dabo ang karakter na tinutukoy ng kwento. magkaliwanagan lang.
*** "as much as gusto kong sabihin fiction ito," ang tunay na pamagat ng post na ito.
12 comments:
asteeeg...pinalutang mo kami dito, binigyan mo kami ng glimpse but not revealing all...asteeggg...
well said dandelion fairy..
Shakespeare will love to write your story yet at the same time, his conscience will oppose to it, for he is at your disposal now.
--- --
lastly hindi ko pinauso ang salitang emo. period.
naaliw ako sa paggamit mo ng mga salita. YEY! di kailangang malalim ang tagalog pero ayos na ayos!
onga pala. ang blade ay para lang sa patilya! hehehe.
magandang kwento... puros tungkol sa pag-ibig ang nababasa ko ngayon... parang naiinggit tuloy ako!!! hahaha
yes, dandelion/ drag queen fairy... very well said...
At least you're drawing again... draw more, I really loved the last one you did.
And yes, I soooooo agree. I think if you search the etymology of the word "emo" you'll find dabo's picture beside it. try it in Wiwikpedia. haha!
Master!! :)
Ngayon lang kita nabasa na may kakaibang landi sa pagsulat. Ginagamit mo 'tong kakaibang landi para magpatawa, tama?
ayyy ang emo naman...
pero ang sarap basahin ng tagalog na ganito... fluid lang
sobrang emo! pero makatotohanan kaya kung sasabihin mo mang fiction ito, hindi ako maniniwala hehehe..
ayan, isang kwento na nagpapatunay na may sukatan ang pag-ibig. na ang lahat sa puso ay hindi pantay-pantay.
http://fjordz-hiraya.blogspot.com
Hi Ewik!
Is this ...? Nevermind.
Ingat. :)
you're one heck of a story teller! mapa-ingles man o tagalog, emo man o hindi, i'll definitely dig it! hehe!
people come and go pero ang maganda sa istorya is that you're able to move on with your lives with something you can treasure...kahit hindi kayo ang dulo ng kwento.
Post a Comment