Saturday, March 28, 2009

Kabahay

*the following may bore you.
**a part of the introduction for a romance novel that i am writing for one of my classes entitled kabahay.
*** out of nothing to write, ive decided to post it. soweee. hehehe!

Tulad mo, isa din sila Alex at Charles sa mga mangingibig na pinupuyat ang mga sarili gabi-gabi kakaisip kung ano nga ba ang pag-ibig? Saan at kelan matatagpuan ito? Papaaano malalaman kung ito na nga ba iyon? At kung hanggang saan ang kailangang ibigay para dito?

Hindi din naiiba ang istorya nila sa milyon-milyong Pilipino na nangingibang bansa, hindi lamang upang maghanap ng magandang buhay para sa kanilang pamilya kundi para din hanapin ang kanilang mga sarili at sariling kaligayahan.

Kung tutuusin ang kwento nila ay hindi na bago, lalo na sa kapwa nila mga nangibang-bansa na kinailangang mahiwalay sa kanilang mga mahal sa buhay at magsimula ng panibagong kwento kasama ang kapwa nila OFW sa malayong lugar.

sources


Pero ang kwento nila Alex at Charles ay hindi gaya ng mga kwentong OFW na pinagpipiyestahan at pinagkakakitaan sa mga noontime show sa telebisyon.


Ang sa kanila ay yaong tipo ng kwentong pag-ibig na pinipiling hindi pag-usapan dahil hindi naman ito ganoon kinikiligan o hindi nakakarelate ang nakararami. Bagkus ay pinandidirian o pinagtatawanan pa nga ang mga gaya nito. Samakatuwid, ang kwento nila ay hindi maaring pumatok sa nakararaming mambabasa o manunuod. Sa kabila ng pagiging totoo nito.


Subalit tulad ng ibang mga pangyayari sa ating buhay, naniniwala akong ang isang kaganapang hindi kwinikwento ay isang bagong kwento at kadalasan, ang isang katotohanang hindi pinag-uusapan ay tinuturing na magandang istorya.


Hindi simpleng bagay ang malayo sa mahal sa buhay. Marami sa ating mga kababayan na nag-iibang bansa ang hindi lamang naghahanap ng paraan upang may maipadala sa mga pamilyang naiwan kundi maging mga paraan upang maisalba ang sarili mula sa pangungulila at kalungkutan. Kungkaya naman hindi na bago sa atin ang sari-saring mga kwentong pag-ibig sa mga ito. Mayroon ang tipikal na kwentong nagkakilala at nagpakasal sa ibang bansa. Mayroon din naman mas komplikado tulad ng mga relasyon nabuo sa pagitan ng dalawang taong may kanya-kanya ng karelasyon at mga relasyong tinuturing na bawal tulad ng kwentong bumalot sa pagitan ni Alex at Charles.


Tulad ng milyon-milyong mga anak sa Pilipinas, naging OFW din ang tatay ko noong bata ako. Seaman siya bago naisipang manatili na lamang sa bansa at maging politiko. Naalala ko nang minsan umuwi ang tatay, narinig ko siyang naikwento sa kanyang mga kainuman ang tungkol sa dalawa niyang kasamahan na naging magkarelasyon habang nasa barko.


"Ano naman ang masama dun?" tanong ni Mang Loreto.

"Kapwa sila lalaki, pare. Inabutan ng kati sa dagat kaso walang babae sa barko, kaya ayun pinagtiisan ang isa't isa." ani ng tatay ko pagkatapos ay nagtawanan sila.


Naisip ko kung nangyayari na ito noong bata ako, hindi malayong matagal ng nangyayari ang mga ganitong relasyon. Marahil pa nga ay mas matagal pa. Subalit bakit wala pa akong nobelang nababasang patungkol dito? O marahil ay hindi lang ganoon kalawak ang mga babasahing binabasa ko. Kaya naman napili kong habiin ang kwento nila Alex at Charles, na nakita ang mga sarili sa isa't-isa sa kabila ng kani-kanilang kaibahan at pagkakatulad.


Sa librong Redefining Masculinity among Male OFW ni Filomeno Aguilar Jr., tinampok niya ang pagbabagong hubog patungkol sa sekswalidad ng mga lalaking Pilipino na nangingibang bansa upang magtrabaho. Kungsaan, pinakilala ng kanyang pananaliksik ang mga kaso ng mga OFW na lalaki na nakikipagrelasyon o nakikipagtalik sa kapwa lalaki. Bagamat naging kapaki-pakinabang ang kanyang pag-aaral hindi pa rin ako naniniwalang ang mga relasyong nabubuo sa mga ito ay bunsod lamang ng kawalan ng kababaihan o dala ng libog o pangungulila. Maaring ang pagbabagong aktwalisasyon ng kanilang sekswalidad ay isang pagdidiskubre sa posibilidad ng kanilang tunay na pagkatao bunsod ng kawalan ng mga iba pang salik tulad ng sosyal na kapaligiran, antas ng pagkamulat ng mga taong napapalibot sa kanila at iba pa.


Kaugnay nito, naging isang malaking impluwensiya din ang librong Sa Loob at Labas ng Parlor ni Honorio de Dios Bartolome, partikular ang kwentong Geyluv. Naalala ko noong una kong nabasa ang kwentong ito, manghang-mangha ako sa istilong ginamit, kungsaan binigyang buhay ng awtor ang kapwa boses ng dalawang pangunahing tauhan at hindi nagpakahon sa kumbensyunal at linear na paglalahad ng isang istorya. Naisip ko, mahalagang maipakita ng isang manunulat ang kapwa panig ng kanyang mga tauhan. Kung ano ang kanilang pagkatao, iniisip, idelohiya at nararamdaman upang lubos na maunawaan ang kanilang papel sa kwento at upang maging hinog ang istorya. Kungkaya minarapat kong bigyang tinig hindi lamang karakter ni Alex o ni Charles lamang. Linahad ng Kabahay ang nararamdaman, naiisip at maging pinaniniwalaan ng bawat karakter upang maunawaan mabuti ang relasyon nila sa bawat isa at maging sa kabuuang kwento.


Sa kabilang banda, tulad ng sinabi ni Michel Foucalt, space is power. May kapangyarihan ang espasyo upang bigyan ng kahulugan at buuin ang mga bagay sa loob nito. Sa kwento ng Kabahay, ginamit ang espasyo ng bahay upang itampok ang tensyong namumuo sa pagitan nila dalawang karakter bilang magkabahay. Ang tensyon dala ng takot ng pagkabunyag ng kanilang mga lihim, mga pagnanasa at maging ng kanilang mga nararamdaman. Tinampok din ito upang patingkarin ang katauhan ni Alex bilang ang kasero at Charles bilang ang nakikitira sa pamamagitan ng mga representasyong linakip sa mga kagamitang nasa loob ng bahay at maging ang relasyon ng kanilang mga gawi at pagkilos kaugnay sa mga ito at maging sa isa't isa.


At panghuli, minarapat kong ilapat ang mga diskurso ng lahi, etnisidad, uri, sekswalidad at kasarian ni Rolando Tolentino upang mainam na habiin ang kwentong pag-ibig ng nobelang Kabahay. Sa paniniwalang ang mga ito ay hindi lamang nakakahon sa ating mga subhektibong nararamdaman, pagkakilig at pagluha patungkol sa mga karakter na ating binabasa, kundi ito ay tulad din ng iba pang mga kwentong hindi nalalayo sa isyu ng diskriminasyong nararanasan ng mga Pilipinong sa ibang bansa, ang patuloy na pangingibang bansa ng ating mga kababayan dahil sa kahirapan, at ang namamayaning diskriminasyon patungkol sa mga homosekswal.

Ang kwento nila ay hindi isang ekstra-ordinaryo o maging isang simpleng kwento. Ito ay isang istorya ng pag-ibig na hindi nalalayo sa akin at maging sa kwentong pag-ibig mo. Kung papaano mo nakilala ang mahal o minahal mo. Kung papaano ka kinilig at umiyak dahil sa kanya. Kung papaano mo ito pinaglaban at kung papaano ka nila binago. Samakatuwid, komplikado.

8 comments:

Yj said...

when did you ever bore your readers?

insightful.....

Herbs D. said...

hihihih. gay people calling themselves pare,tsong, tol is one of my pet peeves. random much? hahaha

*bow* lol

no, this isnt boring. i find it lovely.

lucas said...

interesting. i'm looking forward to read. i'm impressed how you used your knowledge from the books or authors you read to make the foundations of the story...

Poipagong (toiletots) said...

kuya... ang chapter four... isend na... bitin. bitin. tsk tsk tsk.

pusangkalye said...

i thought it was good---I always envy people who have talents in writing---I think you are one of them----hone this skill---who know what heights it would take you.....

Anonymous said...

Maaring ang pagbabagong aktwalisasyon ng kanilang sekswalidad ay isang pagdidiskubre sa posibilidad ng kanilang tunay na pagkatao bunsod ng kawalan ng mga iba pang salik tulad ng sosyal na kapaligiran, antas ng pagkamulat ng mga taong napapalibot sa kanila at iba pa.

Enlightening.

Niel said...

In UP, I heard you are required to 'explain' (like that) your creative work. How do you feel about that?

james said...

saan pwedeng mabasa ang librong " Redefining Masculinity among Male OFW"? salamat!