Naalala ko noong unang beses kong itanong iyon sa kanya. Halos bumagsak ang mga bubot niyang luha sa alulod ng kanyang mga mata, nangingig ang mga nanunuyong labi at halos hindi makapagsalita. Nito ko na lamang naintindihan ang hapdi nang pinagsamang pangamba at pag-aalala.
“Hindi kasya dito si Papa,” matapang na sagot niya habang binubuo ang mga bigkas ng bawat salitang yun.
“E, kailan po siya darating?”
“Malapit na,” yun lagi ang mga katagang s(in)agot niya.
“Gaano po kalapit?” pag uusisa ko.
“Basta, malapit na.”
Utang ko marahil ang pagiging Best in Math ko noong elementarya sa pagbibilang ng mga araw kung kelan darating si papa. Patunay pa ni nanay, mas nauna ko pa daw natutunan ang pagbibilang kesa sa ABAKADA. Mas naunang naunawaan ang adisyon at substraksyon kesa sa pagbabay at grammar. Lahat yun dahil sa paghihintay.
Marahil kung susumahin, bago ako tumuntong ng kolehiyo, mas higit pa sa bilang ng edad ko, ang mga pagkakataong umuwi at nakapiling namin siya. At noong napagdesisyunan na niyang hindi bumalik sa barko, kasabay ng pagkawala ng hilig ko sa numero ang pananabik ko ding makapiling at makausap siya. Siguro kaiba sa mga prutas, hindi kailanman naging matamis ang pagkahinog ng aking paghihintay. Sa madaling salita, nangahulugan ang kawalan ng mapag-uusapan, ang madalas naming away. Nagagawa naming palakihin ang mumunting ‘di pagkaka-unawaan. Nagkamalay akong kaiba sa kanyang inaasahan. At kaiba naman siya sa mga imahe ng pangungulila ng aking kabataan.Marahil kundi dahil sa edad namin, marahil ay perpekto na ang lahat. Hindi naging malaking isyu kundi man kami nakakalabas gaya ng iba, maging affectionate tulad ng iba. Naging masaya na kami sa kung ano ang napupuslit namin; kung ano lang ang pwedeng maging sa amin.
“Anong plano mo pagkatapos nito?”
“Pupunta ako ng Maynila. Gusto ko’ng magtuloy sa masteral. Tapos maghahanap ako ng trabahong pwedeng tumustos sa pag-aaral ko. Dyahe na din kasing humingi sa mga parents ko, e ikaw?”
Marahil kung alam ko lang kung ano ang isasagot niya noon, sana hindi ko na lang binalik sa kanya ang tanong.
“Pupunta ako sa Canada. Kukunin daw ako ng tita ko doon. Magtratrabaho para naman makatulong kanila mama at papa--- para makabawi naman kahit papaano.”
Malayo ang tingin niya habang sinasagot iyon, na para bang tanaw niya ang Canada mula sa aming kinauupuan.
“Maganda yan. Yan naman ang pangarap mo di ba, ang matulungan ang iyong pamilya.” Mahirap makipag kompetensiya sa pamilya.
Hindi ko alam kung napansin niyang binitawan ko ang pagkakahawak ko sa kamay niya. Pero magkaganun pa man, hindi ko na sinubukang bawiin ulit iyon.
Gaya nga nang sinasabi ko sa sarili ko, matagal na akong gradweyt sa paghihintay.***
Noong nakaraang taon, bumalik ang matalik ko’ng kaibigan mula sa Singapore. Halos magdadalawang taon na siya duon. Bakas mo ang kanyang pananabik sa kanyang bawat pag-uwi. Subalit mas madami pa sa pasalubong niyang over-sized na damit at tsokolate ang kanyang baong mga kwento. Kwento ng pangungulila at kung papaano trinatrato ang tulad niyang Pilipino sa kanyang pinagtratrabahuhan. Kayod kalabaw ...
Subalit sa kabila ng mga ito, matuturing niyang mas mapalad pa daw siya kumpara sa iba niyang kakilala, na tinutunggali ang araw sa pagkakayod kalabaw at binuburo ang mga gabi sa pangungulila sa mga mahal sa buhay. Magkaganun pa man, para sa akin, hindi pa din nalalayo ang kanyang buhay sa kanila.
“So babalik ka pa ba?”
“Kelangan eh. Kasama na ata yun sa job description ng kontratang pinirmahan ko.”
“Kelan ba matatapos ang kontrata mo?”
“Basta, malapit na.” Nakakatuwa at nakakainis isipin na pilit akong binabalikan ng sagot na ito.
kailanman ay hindi ako naging magaling sa pagpapaalam.
*special thanks to max
11 comments:
What a poignant, heartbreaking post, ewik.
But so, so real.
una tatay, pangalawa kasintahan, pangatlo bestpren.
ibig sabihin nyan mangibang bansa ka na rin... para kung di ka man magaling sa pagpapaalam, at least magiging magaling ka sa paglisan.
Matutunan mo rin magpaalam, balang araw. Bahagi ng buhay ang mamaalam. :) Gandang entry Wiwik.
noon sabi ko, 'i don't mind being apart - i just mind being left behind.'
that is until i was the one who had to leave. tsaka ko nalaman na hindi dahil ikaw ang umalis, hindi ka na maghihintay.
Goodbyes are always the hardest.. Ito na siguro yung tanging bagay sa buhay na ayokong 'makasanayan' kahit kelan.
I didn't tell my parents I don't like the idea of migrating, tho it was an open option for them. I guess I am too afraid I may leave things behind, some things that are worth staying for,
it's hard to perfect the art of saying goodbyes.
Nice. Ang galing. Nakarelate ako ng siobra sa unang parte. Tulad mo, matagal ko ring hinintay ang tatay ko.
i can relate, we've discussed this dati dba
Awh. Natouch ako. Grabe! Relate ever!
ang pagpapaalam di madali basta alam mo sa loob mo na desedido ka na
Post a Comment