Wednesday, January 21, 2009

kabahay

Lamig ang tanging bagay na lumalamon sa mga gabi ni Alex dito sa London. Bagamat pagod ang katawan sa isa na namang nagdaan at napakahabang araw, hindi pa rin niya naiwasang paglamayan buong magdamag ang mga bagay na bumabagabag sa kanya, lalo pa't katabi niya ang taong dahilan ng lahat ng ito.



Halos magdadalawang taon na rin silang magkabahay ni Charles, subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya mapanatag sa sitwasyong meron sila.

Hindi niya alam kung papaano kukumbinsihin ang sarili na magkaibigan lang sila? na may naiwan na girlfriend si Charles sa Pilipinas? na ayaw niya'ng masira ang kanilang mabuting pagkakaibigan para lamang sundin ang kanyang nararamdaman? Kung bakit hindi niya kayang suklian ang binigay nitong respetong patungkol sa kanyang pagkatao? na hindi niya magawang maintindihan kung bakit hindi pwedeng maging sila, sa kabila ng napakaraming mga rason? Kung bakit sa kabila ng lahat ay umaasa pa rin siyang matututunan din siyang mahalin nito?

Kung tutuusin, masaya naman si Alex sa kung anong meron sila; bilang magkabahay, magkaibigan at pamilya sa lugar na malayo sa tunay nilang mga pamilya. Pero may kung ano'ng kirot at pananabik sa kanya na nagtutulak papalapit sa kabahay, kahit hindi tama, kahit alam niyang maaring maging kapalit nito ay ang ang kanyang paglayo.

Maya-maya'y pumihit nang patagilid si Charles at napadantay ang braso sa katawan ni Alex. Ito ang unang pagkakataon na nakaharap ni Alex si Charles ng ganun kalapit. Napako siya sa maamong mukha ng katabi at sa hindi inaasahang pagkakataon ay naramdaman ni Alex ang muling pagragasa ng mga nag uumpugang alon at bato sa kanyang dibdib.

source

Doon lamang niya napagtanto na mas mapungay ang mga mata ng kabahay sa malapitan kahit nakapikit. Ang dalawang pares ng mga matang halos araw-araw niyang iniisip kung ano'ng tinatago. Ang kanyang mayabang na ilong na kung ilang beses na rin niyang inasam na padausdusan ng kanyang mga daliri hanggang sa marating at madampian ang mapupula nitong labi, na kay tagal naman niya'ng iniisip kung gaano kalambot.

Matagal pinihit ni Alex ang mga mata sa mukha ng nahihimbing na katabi, kinakabisado ang bawat kurba, anggulo hanggang sa pinakamaliit na detalyeng maaring ipagdamot ng dilim ay ginalugad niya. Ninanamnam at inangkin ang napakabihirang sandaling iyun. At sa muling pagkakataon, sinabi ni Alex sa sariling umiibig siya, at tulad din ng dati ay sa taong hindi dapat. Pero naisip niya, siguro sa ngayon ang mahalaga ay alam niyang importante sa kanya ang lalaki, na kinakailangan niyang matutunang ito'ng pahalagahan at tanggapin--- kahit duon lang, kahit mahirap.

Dahan-dahang bubuhatin ni Alex ang braso ni Charles mula sa pagkakadantay. Pagkatapos ay maingat na pipihit patalikod. Subalit hindi niya malalamang didilat ang mga mata ni Charles pagkatalikod niya at pagmamasdan siya nito hanggang sa unti-unti siyang lamunin ng antok.



*isang draft sinopsis ng aking romantikong nobela para sa isang klase sa malikhaing pagsusulat.
**kwento ng dalawang OFW na natagpuan ang sarili sa isa't isa at sa likod ng salitang, kabahay.

19 comments:

A.Dimaano said...

Future screenplay? Hehehe =)

Good luck Ewik! =)

. said...

Unjustified yung comment mo sa last kong entry. Ikaw kaya itong magaling magsulat.

Yj said...

powerful!!!

kinilig ako hihihihi

jamie da vinci! said...

nalunod ako sa tagalog. but despite the struggle, reading it was still utterly delightful! :) galing!!!!

Unknown said...

that's nice
made me smile =)

gillboard said...

naks, brokeback 'to? hehehe..

pareho kayo ni Mugen, mahusay magsulat, pwede kayo magtulungan gumawa ng kwento minsan.

bulitas said...

galing!
part 2! part 2!
hehe.
epektib ang development ng character ni Alex.
apir!

Anonymous said...

for a moment there, i thought it was a real story.

san kaya hinugot ni ewik ang idea na ito? hmmm... =)

mikel said...

more! more! more! :)

Eben said...

ang ganda ng daloy ng tagalog mo ewik, ang husay naman ng pagkakasulat... pareho kayo ni Mugen, galing!

lucas said...

pwede na tong screen play sa cinemalaya! hehe!

Denis said...

mmmmmm


pwede ah...

kaso part 2 naman

Niel said...

Bakit parang happy ending na agad sa simula pa lang?

angel-o said...

.,a very cute story...:)

nice!...

krissa said...

laham, nawala yung number mo sa akin.. super miss na kita! paramdam ka naman!

k.do

Mac Callister said...

ang ganda!!!dugtungan mo naman I love the part na dumilat yun guy pagkatalikod niya!

Chyng said...

Housemate o Ka-Live in? hehe
Then what happened???

RJ said...

Kung ako ang professor sa Creative Writing, 95% na ang marka nito!

Magaling!

Anonymous said...

I am an OFW, fell in love sa kapwa pinoy, ended our beautiful friendship and decided to move. Masakit pero kailangan and I miss him a lot...