Monday, August 12, 2013

salamat, pare

*an attempt to write a coming of age short story for a writing class many years ago.

Sure na ako, Rod.

Saan?

Bakla si kuya.

Ang totoo, naloka talaga ako sa sinabing yun ni Jake nang minsang tawagan ko siya. Bigla akong nagdalawang isip kung itutuloy ko pa ang balak ko.

Kababalik ko lang nun fresh from the city of pines para sa halos isang buwang sem break. At siyempre, isa siya sa mga agad ko’ng tinawagan para tagpuin. Hindi na nga kami nagkabosesan. Matagal-tagal na din kasi ng huli kaming nag-usap. Alam mo na, busy sa college life, adjustments and all that. Lalo na sa mga pagbabagong narealize ko duon. Ang tanda ko na nga, may mga realizations nang nagaganap.

Nagulat ako nang makita ko si Jake. Bigla akong naniwalang may pag-asa pa ang world peace. Ang laki ng pinagbago niya. Hiyang-hiya ang Doc Martens, na suot-suot ko at mainit-init pa galing UK-UK, sa gara ng kanyang boy next door look, nang magkita kami. Ipagyayabang ko pa sanang bente pesos ko lang nabili ang suot ko.

Bumukol ang matipunong pangangatawan ni Jake sa suot niyang puting shirt. Kapansin-pansin ang gamunggo niyang mga utong sa likod nito; and I confess father, may biglang pumitik sa loob ng brief ko. Pero malice aside, hindi mapagkakailang lumabas ang tikas at likas na kagwapuhan niya ngayon. Malayo na sa gusgusin at pilyong bata na mahilig umakyat at pumapak ng hilaw na aratilis. Hindi na nga mapagkakailang lahi talaga sila ng mga modelo’t artista. Nasan ba kasi ang nanay ko nung single pa ang tatay niya? Ewan ko ba.

Kuya?

Oo, Kuya ko, si Kuya Mark.

Anim na taon ang tanda sa amin ni Mark. Pero technically, mas matanda kami sa kanya dahil leap year siya pinanganak. May minsan din na pinagdudahan namin na baka special child siya.

Pero habang lumalaki kami, madalang namin siyang makasama ni Jake. Tahimik at reserved kasi siya. Kundi nagpapawis sa basketball ay nagkukulong lang siya sa kwarto. Kaya hindi na ako magugulat kung pagkakamalan siyang may sariling facebook ng mga imaginary friends. Teka, nasabi ko na bang leap year siya pinanganak?

Pero in a serious note, noong namatay ang tatay nila isang taon matapos makapasa ni Mark sa engineering board, siya ang sumalo sa pamilya. Winner siya sa pagiging Gawad ulirang kapatid. Sabay niya kaming tinuturuan ni Jake sa mga assignments at review college entrance exams namin. At kahit ngayong patapos na kami sa kolehiyo, siya pa din ang nagiging takbuhan namin kapag may mahihirap kaming mga proyekto.

Paano mo naman nasabi?

Basta parang may nagbago kay kuya. Napansin ko lang, pare parang pasikip ng pasikip ang damit niya,

Huh?! bakit ikaw?

Rocker ako. E, Siya wala namang banda.



            Siguro ngayon alam niyo na kung bakit kami magkaibigan, he never fails to surprise me. Kung may sariling mundo si Mark, may sarili namang perception sa mga bagay-bagay itong si Jake.

At ang choice of colors, ang sakit-sakit sa mata, daig pa ang reflector ng jeep.

Ayaw mo nun hindi siya masasagasaan kapag gabi.

Tapos puro branded pa. Paborito niyang brand yung… yung folded and twang,

Folded and hung.

Ang brand na galit ata sa mga big-boned at obese dahil daig pa ang baby Guess at Osh Kosh Bigosh sa fit.

Oo yun! saka… saka yung people is people.

Hindi na lang ako kumibo. Basta ang alam ko magaling si Jake sa Math.

At meron pa minsan nakita ko tshirt niya, Kamiseta. Di ba brand pambabae yun?

Baka naman metrosexual lang si Mark. Magkaiba ang pagiging fashionable sa pagiging bakla no.

Sabihin mo metrosexual, isang metro na lang homosexual na.

Oo na, daig ko pa ang supot sa pagiging transparent at halata sa itsura ni Jake na hindi siya kumbinsido sa mga sinabi ko. Naisip ko tuloy, papaano ko na lang sasabihin sa kanya ang totoo?

Yun nga din ang naisip ko. Pero ito, pare, madalas kapag gabi, tuwing pinipick up ko yung extension ng telepono sa taas. Nahuhuli ko siyang laging may kausap na lalake.

Lalo akong kinabahan. Mukhang aagawin pa ata ni Mark ang moment ko. 

Baka naman best friend niya.

E, Babae ang best friend niya.

Oo nga pala si Shiela.

Akala ko nga girlfriend niya yun dati. Hindi pala. Ang weird pa nun, babae ang best friend niya. Hindi ka ba nagtataka? Madalang na may pinakikila si kuya na lalaking kaibigan pwera na lang sa mga teammates niya noon.



Bigla kong naisip ang basket ball team ni Mark. Kung sineryoso ko lang sana ang basketball noong tinuturuan kami ng tatay nila, e di sana may I join the varsity na din ako ngayon. Aba, libre kaya ang tuition fee ng mga varsity sa amin. May libreng tanghalian pa.

Hindi naman basehan yun.

Kunsabagay. Pero yun nga lang din, pare. Iniisip ko paano na lang kung magladlad si Kuya? Kanino na ako manghihiram ng damit kapag naka bestida't make up na siya? Sino na ang magiging kalaro ko ng basketball kapag lumamya na kilos niya? Imagine, ang rookie of the year at MVP ng school ay isa palang manash?!

            My God! 1990s pa ng huling narining ko ang salitang Manash. Naawa ako bigla kay Jake. Naturingan na best friend ko siya but he is so out dated with the latest lingo. Pero may I shift ang topic ng bigla kong napansin ang takot sa mga mata ni Jake.

Ang kaparehong takot na nakita ko sa mga mata ni mama noong hinatid nila ako sa bus terminal patungong Baguio, noong gabing nakipaghiwalay sa akin ang una kong girlfriend at noong inamin ko sa mga kabahay ko ang tunay kong pagkatao.

Bakit lahat ba ng lalaki tubero o karpentero? Lahat ba ng babae housewife? At kung magkaganunman, ano naman ang masama dun?

Tahimik na napatingin lang sa malayo si Jake. Doon ko na nafigure out, na ito na nga ata ang tinatawag nilang drama.

Naalala mo si Sir Arceo, yung paborito nating teacher sa Chemistry. Di ba inamin niya sa atin noong graduation na bakla siya. Tingin mo ba malalaman nating bakla siya kundi niya sinabi? At wala namang nagbago. Siya pa rin ang paborito nating teacher nun, ‘di ba?

Hindi pa din umimik si Jake. Na-isnab ang ganda ng Lola Arceo ko. 

E, si tito Mike, yung engineer na kasama nila papa sa firm. Si Dr. Uy yung doctor ng papa mo noon. Di ba bakla din---.

            Natigil ang eksenadorang speech ko nang nakita kong nakatingin na lang sa akin si Jake. Mas intense na ang mga mata niya. Mas deep, dark and mapang-usig. Yeeeess! mapang-usig.
Pamilyar ang mga titig na yun. Kung hindi lang Jolina Magdangal sabihin parang natutunaw ako sa mga titig niya, siguro bumigay na ako. But don’t get me wrong, tama na ang isang press release for the day. Dahil sa ngayon, mas kailangan ako ng kaibigan ko.

Madaling sabihin yan kapag ibang tao, Rod, pero ibang kaso na kapag malapit sa iyo ang pinag-uusapan.

Jake, ang gusto ko lang naman sabihin, hindi  lahat ng bakla parlorista. At hindi din naman masama maging parlorista. Ang mahalaga wala kang inaapakang iba. Respeto lang yan para irespeto din tayo.

Maya-maya’y nakaramdam ako ng bahagyang pagkailang ng unti-unti linapit ni Jake ang mukha niya. In that distance, halos mabilang ko na ang hibla ng kanyang makapal na pilik mata, ang mga linya sa kanyang mapulang labi at maging ang biglang pagbago ng ekspresyon ng kanyang malamlam na mata. Then I realized, na gusto ko na lang tumambling sa pagiging matalinghaga ko.

Nakkkksss, ang lalim.

Sira! Sabay kotong sa kanyang bumbunan.

Arayyy… Actually, pare. Okay lang naman kung bakla si kuya. Walang kaso dun, promise! Ang ayoko lang e yung  pagtatawanan o gagaguhin siya ng ibang tao dahil bakla siya.

Napatahimik ako sa sinabi ni Jake. Bigla ko’ng naisip ang mga kapatid ko. Ganun din kaya sila sa akin?

Mahal ko si kuya at alam mo kung ano ang pinagdaanan niya nung mamatay si papa.  Kaya nga kung tatanungin ako kung sinong tao ang pinaka deserving lumigaya, para sa akin, si kuya yun. Ayoko siyang makitang malungkot o umiiyak. Ayoko siyang kinukutya o pinagsasamantalahan. Makakapatay ako, pare. Pero ang mas kinakatakot ko ay ayoko din makitang tumanda siyang malungkot at nag-iisa.

Alam mo, Jake. May nagsabi sa akin dati, na ang pag-iisa ay hindi kapalaran ninuman. Ang kapalaran natin ay produkto ng sarili nating mga desisyon at ginawa sa buhay. At sa tingin ko sa lahat ng mga ginagawa ng kuya mo ngayon, hindi siya kailanman tatanda mag-isa. Dahil kung sakali man na wala siyang makikitang mapapangasawa o makakasama sa buhay, nandiyan ka, mga kaibigan niya at ang pamilya niyo para samahan siya.

Biglang may tumulong luha sa pisngi ni Jake. Ang totoo nagulat talaga ako nang makita ko siyang tuloy-tuloy nang umiyak. Yun ang unang beses na nakita ko siyang nagkaganun. Kinuha ko agad ang panyo ko sa bulsa at inabot sa kanya, habang pinagdadasal na hindi niya mapansing hindi R ang initial na nakaburda doon. I know, minsan my pagka-old school din ako.

Seryoso, tol. Siguro kung naririnig ka ng kuya mo ngayon, for sure sobrang proud yun sa iyo. Maswerte siya dahil kapatid ka niya.

Ulul! Mas maswerte ka dahil kaibigan mo ako at ikaw lang ang nakakakitang umiiyak ako. Halika nga dito.

Biglang inabot ni Jake ang kanyang braso sa akin. Yes, may ilangan factor noong una, pero inakap ko na din. Doon ko napagtantong, tumatanda na nga talaga kami. Marahil dahil sa tagal naming magkaibigan, virgin pa kami sa yakap ng isa’t isa. Pero ang totoo, natuwa ako at naiiyak na din.

Pare, Salamat! Sana dito ka na lang nag-aral para may nakakausap ako ng ganito. Hindi mo alam kung gaano ko katagal tinago ito. Gago ka! Ikaw lang pala ang makapaglalabas nito.  

Tumuloy-tuloy na ang pag-iyak ko nang narinig ko yun. Marahil namiss ko lang talaga ng husto si Jake.



Dahil din dun, mas lalo kong naramdaman ang importansiya namin sa isa’t isa. Malungkot isipin na hindi na kami tulad ng dati, wala na yung mga batang paglalaro lang ang iniisip, kung ano ang uso at kung saan village dadayo.  Pero kung ako ang tatanungin, mas masaya ako sa ganito dahil napag-uusapan namin ang mga bagay na di naming kayang sabihin noon.

            Malapit na, tol. Malapit na, bulong ko kay Jake habang yakap ko siya, at huwag kang mag-alala, dahil di ko kayang lokohin si Mark dahil mahal na mahal ko siya.

Hindi ko alam ang magiging reaksyon ni Jake pero sa wakas, nasabi ko na din ang gusto kong sabihin. Subalit imbes bumitaw, naramdaman ko ang lalong paghigpit ng yakap niya sa akin sabay sabing,

Salamat ulit, pare.