Saturday, July 12, 2008

cubao in the dark

" hindi ka ba natatakot kapag bumababa ka ng cubao," tanong sa akin ng isang kaopisina.

" hindi naman. katunayan, nag eenjoy pa nga ako kapag naglalakad eh," sagot ko.

tumahimik siya bigla at hindi na sumagot.

sabi ko sa isip ko, " malisyoso pala itong hayup na ito eh!" (o baka naman ako lang ang nag iisip ng malisya laban sa akin.)

ayokong pumupunta sa makati kahit duon ako nagtratrabaho at ayoko ding pumupunta ng maynila kahit duon ako nag aaral. pero gustong gusto kong naglalakad ng madilim sa cubao mapa-gabi o madaling araw(eh malisyoso ka din pala eh!). hindi dahil sa librong cubao in the dark(?) o dahil sa kung ano-ano pa mang malisyang nakakabit dito. gusto ko ang cubao lalo na sa madilim dahil sa nakatagong katotohanang ipinapakita nito sa bawat nangangahas lakarin ito.

source


sa cubao, naghahalo ang mga may kaya sa wala, ang mga moralista sa mga puta, ang tanggap sa mga di tanggap. ika nga nila, ito daw ay isang neutral ground para sa lahat. ang bawat isa ay nakikidaan lang at nag aabang. walang nangangahas maglabas ng masamang puna laban sa kapwa. kaya pala hindi nakakapagtakang matagal na itong nagiging tambayan para sa (nai)iba at tampulan ng tukso ng ilan.


kagabi, tulad ng dati, bumaba ako sa tapat ng baliwag terminal mula makati. naglakad habang nagyoyosi papuntang aurora blvd. hinanda ko na ang sarili ko sa mga bantay ng overpass. sila yung mga haharang sa pag akyat, pagtawid at pagbaba mo, magyayaya ng "siks!"

huminto naman ako at nagtanong, " ano po?" sa paghinto ko yun na ang tanda ng mga iba pang mga babae para dumugin ako. sasabihin ulit ng matandang babae, "siks po, sir! siks." hindi ko pa rin alam kung ano ang gusto niyang sabihin... hanggang sa sasabihin niyang," dalawang daan lang po sir! siks!"

huli ka! " seks pala!" saka ako kumaripas ng paglalakad. pero sumusunod pa rin sila. malayo-layong habulan din ito kung tutuusin. pero sa wakas nakababa rin ako. duon ko maalala, parang namukhaan ko ata yung isa sa mga babae kanina. siya yung, isang tanghali, nakita kong natutulog sa harapan ng lumang sinehan sa tabi rin ng over pass, kasama rin ng ibang mga taong ginawa ng hubad na tahanan ang edsa.

kapag minsan talaga maiisip mo, hindi mo rin sila masisisi. "prostituted" din kasi sila. naisip ko tuloy bigla, prostituted din kaya ako o pinili ko talagang maging prostitute? (ibang usapan na ito).

balik ako sa normal na bilis nang paglakad ko. mamaya maya. sa gilid ng isang building malapit sa gateway, may isang hilera ng mga lalake, babae, binata, dalaga, matanda at bata ang natutulog ng nakatihaya, bukaka, tagilid at hilata. tanging sako at karton lang ang sapin laban sa tigas ng patay na semento. cliche kung titignan pero kung mas madalas pa siya sa cliche na nangyayari, tingin ko hindi na rin siya cliche, malaking problema na ito. hindi ko maiwasang hindi tumingin. mamaya-maya sa dulo ng mahabang hilera, may nagyayaya na naman ng seks. pucha! huwag mong sabihing pati sila.

pagtawid papuntang terminal, may matandang ale na may akay-akay na bata ang kumakausap sa isang pulis at isang cubao volunteer. nag rereport sa nawawala niyang cellphone. sa saglit na pagdaan ko, narinig ko na halos ang kwento ng buhay niya. nirereport niyang nawawala daw ang cellphone niya at galing pa siyang bicol. hindi niya alam kung papaano niya makokontak ang anak niya dahil hindi niya alam kung papaano ang papunta sa kanila at tanging sa cellphone nakalagay ang number niya. hindi matahan ang matanda sa pag iyak. pati ang bata tuloy naiiyak na sa takot. naisip ko, marahil sa isang bagay na hindi naman niya alam kung bakit.

sa hintayan ng jeep, as usual marami-raming tao. mababasa mo sa mga mukha nila, "sana may jeep pa papuntang cogeo, sana may jeep pa!" buti na lang katipunan lang ako.

habang naghihintay ng masasakyan, may dalawang binata ang naghaharutan sa likod ko. masikip ang mga tshirt, kupas ang maong, ayus na ayos ang buhok at kapwa may belt bag. naghaharutan at nagyayakapan. sila lang siguro ang masaya nang mga sandaling yun. may iilang tumitingin pero walang ilag sa ginagawa nila.

iilan lang ang nakasakay sa jeep. may mga couples. halata mo'ng magkakatrabaho sila sa iisang department store. ang eksena, may isang pagod. tapos may isang yayakap, hahalik at babantay kung bababa na sila. ang sweet noh?! parang napakasimple ng lahat para sa kanila.

napakatahimik sa loob ng jeep. may ilang nahuhulog at nabibigla na sa sobrang antok at pagod. may isang babae namang napakailag sa paglabas ng cellphone niya. takot manawakan pero di naman mapigilan ang sarili sa pagtetext. tapos biglang may sumakay bandang anonas. matandang lalaki, mapula ang mukha, mapungay na ang mga mata at ABA! may dalang sigarilyo. nagsisigarilyo siya sa loob ng sasakyan. takip ng ilong at bibig ang mga pasahero. pero wala pa ring nagsalita at sumuway sa kanya.

"PARA LANG PO!" sigaw ko. bumaba na ako. tumawid sa overpass. buti na lang wala pang mga bantay dito. imbes na mag trike naisipan ko pa ring maglakad papuntang bahay. pagdaan ko, buhay na buhay pa rin ang katipunan balintuna sa lugar na pinanggalingan. punong-puno ng buhay at sigawan, lalo na dito sa drews. haaay, matagal tagal na rin akong graduate ng kolehiyo pero namimiss ko pa rin pala ang mga imaheng ganito. masayang nakikipagkwentuhan sa mga kaibigan hanggang mag-umaga, nag cracramp sa mga reports at papers sa fastfood na libre ang internet at iba pa.

pagdating ko ng tapat ng bahay namin, ABA!!! may malaking aso... at isa pang ABA hindi lang siya malaking aso, isa siyang dalmatian! sosyal! nakakawalang dalmatian.. at aba tinahulan niya ako. siya pa ang galit. naghintay tuloy ako ng 15 minutes sa labas at hinintay ko pa siyang makaalis bago ako makapasok ng gate namin.

pagdating ko ng kwarto, naligo ako at diretso sa dvd rack. tapos bigla ko'ng natanong, ano kayang pwedeng panuorin? tapos naisip ko, matutulog na lang ako, tama na yung napanuod ko ngayong gabing ito...



*naisip ko baka hindi na ako marunong magsulat sa filipino kaya sinubukan ko ulit.
**minsan ba naisip niyong nasa loob at bahagi kayo ng isang pelikula? yung mga tipong masyadong surreal ang lahat para maging totoo? ako, kasi madalas lalo na sa lugar at tagpong tulad nito.

28 comments:

Anonymous said...

masaya talaga sa cubao. halo-halo ang mga tao. syan ang ang quiapo ng maynila para sa akin. miss ko na sya.

mrs.j said...

araw araw akong nagcucubao!
bt di kta nakikita?
at isa ko sa nagaantay ng cogeo!

gillboard said...

matagal tagal na rin akong di nakakapunta ng cubao... pero masarap talagang pansinin ang mga tao sa paligid.

gawain ko yan... sa labas ng coffee shop sa mall. daming kwento... tiba-tiba ka kung chismoso ka.

. said...

Supremo ka men pagdating sa Filipino. Pahawak naman sa iyong katawa't kailangan ko mag sign of the cross. Banal!! Hehe.

Actually ganyan rin ang trip ko sa Avenida noon. Magmamasid, papanoorin ang mga tao. Naroon ang mga outcast, mga feeling sosyalera at mga jologs.

Sa hindi ko malamang dahilan, bakit doon sa mga lugar na iyon ako nakakaramdam ng buhay at hindi sa gReenbelt o kaya naman ay Ortigas.

Frankie Calcana said...

I love Cubao. Bilang batang Marikina, lumaki na akong dumadaan sa Cubao. At ngayong nagwowork ako, jan pa rin ako sumasakay pauwi. Na-experience ko na rin yung mga nag-ooffer ng sex na yan. Ang dami kaya nila sa footbridge kahit umuulan. Di ko lang matandaan kung tinanggap ko yung offer nila.

Diyan din ako naghihintay ng sasakyan sa gateway. Tama ka kuya. Cubao is a melting pot of different personas. Pero masaya ang Cubao. Medyo ingat nga lang sa snatcher.

Sana, makasalubong kita minsan sa Cubao, pero sana doon sa merong ilaw.:D

Anonymous said...

Nakakatuwa lang din talaga madiscover ang daan pauwi. Marami kang malalaman at matututunan sa daan.

Anonymous said...

nasa cubao ako kagabi, havent been there for a while, ibang iba na sya, kumpara sa cubao na alam ko not so long ago.

♥ N o v a said...

waaaaahhh... nahirapan pa ako magbasa ng tagalog! alam mo naman na masyadong inferior ang tagalog skills ko eh!!! Equal lang to first grade level! hehehe

Anyway... I think I understand most of what you wrote (and a good exercise for me to practice my tagalog).

I've never been to Cubao, but from what I can understand, it seems to have a lot of character, and seems to have some shady, seedy people, much like the people in NYC hahaha.

enrico said...

saludo ako sa pagkakasulat mo ng entry na to. swak na swak ang Filipino para ilarawan ang mga ngyayari sa cubao. parang eto rin ang nkikita namin ng gf ko pag nagde date kame sa gateway. :9

MINK said...

naantig ang uso ko sa description mo sa maglola na nawawalan ng celphone... huhuhu

nakupo nung nasa pinas pa ako, malimit ako gabihin sa cubao kakagimik... wahaha... syempre kasa kasama yung ibang bloggers, miss ko na sila grabe...

;)

mikel said...

asteg. parang walang kalabaw sa cubao ni g. ericson acosta na in prose.

walang kalabaw sa cubao:
ang cubao mismo ang kalabaw
at sila ang mga langaw.


pumupunta lang ako sa cubao para sa tatlong rason: (1) uaap, (2) bus terminal pa-bulacan o batangas, at (3)mamalengke sa qmart (cubao pa din ba yun?).

tanong: pano nga kung lahat lang ng ito ay palabas ng isang dakilang lumikha? (maganda kaya ang pagkakaarte mo/natin?)

bryz25 said...

hay naku naabutan ko pa ang cubao na pre-gateway days, sobrang dilim. kaya pg dumadaan ako dun 100 meter dash lage.

feeling ko cubao is a hustler's lair. walang mabuting tao dun. tas ang lake lake pa nung place parang if somebody harmed you, nobody would reach out and help. ud feel your the greatest losr ever becoz u let those losers take advantage of u.

nice entry...

... said...

hindi ako maka-relate. never been to cubao but I think it's not a safe place based on your story. buti na lang walang mga snatcher dito sa amin, puedeng ibalandra ang cp kahit sa kalsada. hihi

odin hood said...

meron akong draft na post na parang ganito rin, parang surreal movie din ang dating... kaya lang di ko pa natatapos hehe napanis na yung kwento ... Maybe try ko tapusin pag bumalik ang inspiration.


ganyan na ganyan nga ang eksena kapag dumadaan ako sa cubao pag gabi. kapag tinotopak ako madalas ako magpalakad-lakad lang kung saan saan, tulad sa quiapo, malate, at cubao at mag-observe. At among sa 3, pinaka-nakakatakot talaga sa cubao.

an ode from thee junkie said...

i like it better pag filipino. i miss you!



*bakit ka nga kaya masaya sa cubao hahaha

Mar C. said...

naks naman ang post.at talagang binasa kong maigi ito ha.hehe. naaliw ako dito. oo nga marami sa aurora yong nag-aaya ng panandaliang aliw. may balak nga akong pumunta dun eh, tapos pag inaaya ako. sabay abot ko naman ng rosaryo, o di ba ancute tignan. hehe. ummm minsan pumupunta rin ako ng cubao. mga mura kasi jan ang bilihin, at samut-saring klase nga ng tao ang makikita. all walks of life ika nga. tama ba?hehe. ummmm... napadaan lang ako.

Ely said...

nice post. na-try ko na din dumaan mag-isa sa may over pass tapat ng baliwag, ala una ng madaling araw, kakatakot...

Anonymous said...

siguro kung nakakapagsalita lang ang mga kalye at pader dito sobrang interesting ng kanilang mga kwento.

N said...

it's been a good place and has seen light before. now, i am really cautious when i pass by along aurora, whether inside a jeep or just walking.

Anonymous said...

nakakatuwa ang cubao. kaiba tlaga sa makati o sa kahit sa antipolo. nakakatuwa lalo na kapag gabi, ramdam mo talaga ung MAGIC. alam mong sa bawat lakad mo, hindi mo alam kung anong mangyayari. hindi pa ako naaalok ng SIKS sa cubao at salamat sa Dios at hindi pa ako nananakawan jan. pero, kakaiba talaga. tunay na mapagpalaya.

*ang pagbabalik!

escape said...

hehehe... para na ngang nanood ka ng sine nun. hahaha... nakalakad na rin ako dyan sa cubao pero dun lang sa side na sakayan ng bus.

Denis said...

ako din pag pauwi cubao way... sa araneta waiting for killer bus. after a hitch in my boss's car.hahah

Kape Kanlaon\ said...

yayks, di ako makarelate.. bata pa ako when my mom took me to manila para sunduin ang father ko.. after that hindi na ako naka travel.. ano lang..hmmm..negros, siquijor, bohol, and syempre cebu... haaaay pag may chance na ako makapunta maynila, meet tayo wanderer ha.. tapos pa print ko yong post mu then autograph mo nalng..hehehehe
di joke lang.. =)

Niel said...

malapit lang ako sa cubao. sa short jeep ride. cubao is starting to feel like home.

teka napansin ko nagTagalog ka sa post mo... parang ngayon ko lang nakita na nagtagalog ka sa blog mo.

Chyng said...

Cubao - 2nd scariest place! First is Avenida!

I used to work in Eastwood so i have lots of "pick up" and "hold-up" moments in Cubao.

But I still go there - when it's UAAP season! (--,)

TENTAY™ said...

binasa ko, at feeling ko nasa documentary report ako... mala i-wintess? ang paraan ng iyong pagkwento napaimagine talaga ko na naglilibot ka sa cubao ha.

AJ said...

maraming TY bro sa iyong ipinaabot na mensahe.

nagustuhan ko ang tagalog mong obrang ito..malinaw at totoo..medyo nabitin lang ako ng konti..may ilang "madidilim" na kahalintulad na scenario ka lang na hindi na isama..i hope magkaron ng part 2..i spent half of my life in cubao..

ps: i cannot really find my name in ur site..:(

Anonymous said...

Yep, ang Cubao kasi ay sentro. Pero ang sentrong ito talagang halo halo, di tulad ng tinatawag na sentro sa ibang lugar tulad sa metro manila, gaya ng ayala o edsa central ortigas, maging sa ibang bansa gaya ng Central districts sa HK, NY, Tokyo, london at kung ano ano pa... Dito sa Pinas, Cubao sya...